Tiniyak ng National Water Resources Board (NWRB) na sapat na suplay ng tubig ng Angat dam para sa mga kabahayan sa Metro Manila hanggang sa buwan ng Mayo.
Ito ang inihayag ni NWRB Executive Director Dr. Sevillo David kasunod ng pag-iral pa rin ng weak El Niño sa bansa.
Batay sa datos ng PAGASA, mula sa normal water level na 200 meters ng angat dam nuong Marso, nasa 180 meters na ito kaninang ala sais ng umaga at inaasahang papalo sa 173 meters sa Mayo.
Gayunman sinabi ni David, posibleng bumalik na sa normal ang lebel ng tubig sa Angat dam dahil sa inaasahang paunti unting mga pag-ulan sa katapusan ng Mayo hanggang Hunyo.
Dahil dito, ibibigay pa rin NWRB ang buo alokasyon para sa mga kabahayan sa Metro Manila bagama’t magbabawas sila ng suplay sa mga irigasyon hanggang sa 10 cubic meters per second kada araw.
Tiniyak ng PAGASA Hydrology Division na hindi agad makakaapekto sa suplay ng tubig sa Metro Manila kung bababa pa sa low water level na 180 meters ang Angat dam.
Ayon kay PAGASA Hydrologist Edgar Dela Cruz, posible kasing bawasan pa o tuluyan na lamang itigil ang ibinibigay na alokasyon sa mga irigasyon.
Paliwanag ni Dela Cruz, maaari lamang magbawas ng alokasyon ng tubig sa mga kabahayan sa Metro Manila kung magtuloy-tuloy pa ang nararanasang kawalan ng ulan at umabot na sa 160 meters ang antas ng tubig sa Angat dam.
Dahil dito, posible nang makaransa ng kakapusan sa suplay ng tubig ang mga siniserbisyuhan ng Maynilad katulad ng nangyari sa Manila Water noong nakaraang buwan.
Gayunman, inaasahan na rin ng PAGASA na makakaranas na ng pag-ulan ang bansa sa Mayo kahit pa patuloy ang pag-iral ng mahinang El Niño hanggang Hunyo.
Samantala, ngayong linggo, inaasahang bababa na sa 180 meters low water level ang Angat dam na naitlang nasa 180.73 meters na lamang kaninang alas sais ng umaga.