Ginagawa ng pamahalaan ang lahat para makakuha ng mas marami pang suplay ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine na para sa Pilipinas.
Ito’y ayon kay Department of Health Secretary Francisco Duque III sa pahayag ng DWIZ, matapos kuwestiyunin ni Senador Panfilo Lacson kung nasaan na ba ang bakuna.
Minamadali natin ito (pagkuha ng bakuna). Hindi naman nangangahulugan na hindi ginagawa ng gobyerno ang tungkulin niya, in fact, walang patid ang negosasyon natin sa mga iba’t-ibang vaccine manufacturing companies”, ani Duque.
Dagdag pa ni Duque, hindi lamang Pilipinas ang nakatatanggap ng maliit na suplay ng bakuna laban COVID-19 kundi mayroon ring mahigit 100 bansa sa mundo.
Kawawa aniya ang mga ‘blossoming middle income countries’ katulad ng Pilipinas dahil ang mga vaccine manufacturers ay na-corner na umano ng mga mayayamang bansa.
Gayunpaman, asahan aniya ang pagdating ng 400,000 doses ng Sinovac na donasyon at 900,000 doses ng AstraZeneca sa susunod na linggo.
Darating na din aniya ang biniling 1-M na bakuna mula Sinovac sa huling linggo ng Marso o sa unang linggo ng Abril.
Samantala, tiniyak naman ni Duque na lahat ng mga vaccine manufacturers ay kausap ng pamahalaan.