Umaasa ang kampo ni Vice President Jejomar Binay na susuportahan din sila sa 2016 elections ng ilang miyembro ng Nationalist People’s Coaliation o NPC.
Ayon kay Joey Salgado, Tagapagsalita ni Binay, ito ay sa pamamagitan daw ni Former Pangasinan Representative Mark Cojuangco na anak ng Founder ng NPC na si Eduardo Danding Cojuangco Jr.
Matatandaan kasing hayagang nagpakita ng suporta si dating Congressman Mark Cojuangco kay Binay nang bumisita ito sa Pangasinan.
Sa katunayan ayon kay Salgado, umaasa sila sa pakikipagpulong sa NPC, ito’y kahit na isa-isa na aniyang nakipagkita si Binay sa mga opisyal ng partido.
Naniniwala naman si United Nationalist Alliance (UNA) Secretary General JV Bautista na napaka-maimpluwensiya ni Mark Cojuangco sa NPC.
Ang NPC ang sinasabing pangalawa sa pinakamalaking political party sa bansa.
Samantala, una na ring sinabi ni Bautista na nananatili ang posibilidad na suportahan ng UNA at ng Lakas CMD ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Arroyo ang isa’t isa sa halalan sa 2016.
Sa kabila nito, hindi aniya ito nangangahulugan na nakalimutan na ni Binay ang mga maling nagawa raw noon ng administrasyon ni Arroyo.
By Allan Francisco