Nagpakita ng pwersa ang libo-libong mga Overseas Filipino Workers (OFW) nataga-suporta ng BBM-Sara UniTeam mula sa iba’tibang panig ng mundo sa kabila ng hindi pa rin makapangampanya ang mga kandidato sa abroad dahil pa rin sa pandemya.
Sa Tokyo, Japan, libo-libong Pinoy ang nagsama-sama sa pagma-martsa sa ilang major thoroughfares habang isinisigaw ang mga pangalan nina presidential front runner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at kanyang katambal na si Inday Sara Duterte.
Dumagsa naman ang daan-daang BBM-Sara Uniteam supporters sa post nilang video sa Facebook sa isang sikat na pasyalan sa Rome, Italy.
Maging sa Milan, Italy dinumog din ng mga Pinoy ang ilang mga aktibidad bilang pagpapakita ng suporta sa UniTeam.
Ganun din sa London na nagtipon-tipon sa harapan ng London Bridge at bumaha ng Pinoy na nakasuot ng kulay pula at berde habang sabay-sabay na umaawit ng theme song ni Marcos na “Bagong Lipunan.”
Patuloy namang dumarami at lumalawak ang mga Pinoy na nagpapadala ng kanilang mga video sa social media para ipakita ang kanilang mga suporta sa UniTeam.
Paniwala ng grupong Kilusang Bagong Lipunan (KBL) sa Rome, ang UniTeam lamang ang makapagtutuloy sa magandang nasimulan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte katulad ng Build Build Build program.
“Nananawagan ako sa aking mga kababayan na huwag nating pabayaan itong magpapatuloy sa sinimulan ng ating Pangulong Duterte,” ayon kay Marlon Malinay, OFW sa Rome, Italy.
“Sila ang magpapatuloy ng nasimulan ni Pangulong Duterte. Gusto ba nating bumalik ang droga, gusto ba nating bumalik ang laglag bala? Kaya wala pong ibang pag-asa ang bawat Pilipino para ipagpatuloy ang pagbabago kundi ang BBM-Sara UniTeam,” ayon naman sa isa pang OFW na si Kali Istukada Miranda.
Hinikayat din nila ang mga OFW sa iba pang panig ng mundo na lumabas at bumoto simula Abril 10 sa mga embahada ng bansa.
Nagpasalamat naman si Marcos sa patuloy na suportang natatanggap hindi lamang sa bansa kundi sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Sayang lamang at hindi namin kayo mapuntahan ngayon dahil pa rin sa pandemya. Pero nakatataba ng puso na tuloy-tuloy lamang ang inyong pinakikitang suporta sa amin sa UniTeam,” ayon sa pahayag ni Marcos.
Siniguro pa ni Marcos na nakatitiyak ang mga OFW na kasama sila sa lahat ng programa nailalatag nila sa panahong maupo sa pwesto.