Nanawagan ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) para sa mas maraming pondo para sa mga magsasaka sa gitna na rin ng krisis sa pagkain na ibinabala ng United Nations Food and Agriculture Organization (FAO).
Ayon kay SINAG chairperson Rosendo So, sa halip na mag angkat ay mas mabuting pondohan ang pag-aayos ng mga sakahan at post harvest facilities, tulungan ang rice millers, mamahagi ng libreng farm inputs, taasan ang support price ng palay, at ibigay ang lahat ng suporta sa mga magsasaka.
Sinabi ni So na umaapela na ang FAO sa mga bansa na huwag pigilan ang galaw ng mga pagkain sa buong mundo bagamat ang katotohanan aniya ay isinasara ng mga bansa ang kanilang border at hindi ipinatutupad ang free trade deals dahil sa aniya’y protectionist policies na titiyak sa food security para sa kanilang mamamayan at kani kaniyang local markets.
Una nang nagpasya ang Vietnam, pinakamalaking rice exporter sa buong mundo, na huwag munang kilalanin ang mga kontrata hinggil dito para masiguro ang food security nito.