INIHAYAG ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na isusulong nito na higit na bigyang importansiya ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang digital connectivity habang papalapit ang ikatlong State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay DICT Spokesperson Atty. Renato Paraiso, paninindigan ng ahensiya ang adbokasiya nito na palakasin at mas pagtuunan ng pansin ang digital infrastructure ng bansa.
“Well, again, I think with this year’s SONA, ang talagang pinapa-highlight natin or hinihiling natin na suporta, really is, infrastructures natin. Pagpapalakas ng mga digital infostructures natin, ang connectivity, so ayan ‘yung mga free wifi, upskilling, at cyber security po,” ani Paraiso.
Aniya, ang average broadband internet speed sa Pilipinas ay kasalukuyang ranked 41st sa mundo, ayon sa Telecom Review. Nananatili umano itong malaking problema dahil ang speed o bilis ay madalas na ‘inconsistent‘ at limitado lamang.
Batay naman sa datos ng DICT, 65 percent ng populasyon ng bansa ay hindi pa rin nakakonekta sa internet.
Nabatid sa Statista Research Department, isang international research company, na 77.81 percent ng Filipino population ay magkakaroon lamang ng internet connection pagsapit ng 2028 sa kasalukuyang yugto nito.
Nabanggit naman ng Asian Development Bank (ADB) na ang Pilipinas ang may pinakamababang coverage rates ng telecom towers sa Southeast Asian region at mangangailangan ng karagdagang 60,000 towers sa 2031 sa mga liblib na lugar.
Sang-ayon sa 2021 data mula sa National Telecommunications Commission (NTC), lumabas na may mahigit 22,000 cell sites sa bansa kung saan wala pa sa one-third ng 90,000 ng Vietnam, at pinagsasaluhan pa ang mga ito ng tatlong telcos.
Sinasabing ang DICT ay nakatakdang magtayo ng karagdagang 10,000 independent common towers upang makatulong sa pagpapalawak ng maaabot ng broadband connections sa bansa, bukod pa sa 2,374 towers na nasa hurisdiksiyon nito.
Kung matatandaan, sa isang pagpupulong noong nakaraang Abril, inirekomenda rin ng Private Sector Advisory Council (PSAC) kay Pangulong Marcos ang paglalaan ng P608 billion taon-taon sa DICT upang makatulong sa pagtatayo ng mga karagdagang digital infrastructure at pagpapalawak ng internet coverage sa bansa.
Maliban dito, nagpahayag din ng suporta si PBBM sa pagpapabuti ng broadband connection at projects ng bansa upang maabot ang 70 million Filipinos pagsapit ng 2026 sa ilalim ng National Fiber Backbone Project.