Matapos ang anim na taon na pagpapatigil sa peace talks sa bisa ng Proclamation 360, nagkasundo ang pamahalaan ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na pag-usapan muli ang pagwawakas ng ilang dekadang armed conflict sa pamamagitan ng paglagda sa Oslo Joint Communique. Kaugnay nito, nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino na suportahan ang pagpapatuloy ng peace process sa NDFP.
Malaki ang ginagampanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa peace agenda ng administrasyong Marcos. Para kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr., welcome development ang paglada ng Pilipinas at NDFP sa joint communique. Aniya, mahalagang hakbang ito sa peace process. Panawagan niya, suportahan ng bawat Pilipino ang hakbang na ito upang tuluyang makamit ang kapayapaan at pagkakaisa sa bansa.
Pinuri naman ng Philippine National Police (PNP) ang karunungan, lakas ng loob, at commitment ni Pangulong Marcos na ginagawa ang lahat ng paraan upang magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas. Ayon sa pahayag na inilabas ng PNP Public Information Office (PIO), mahalagang hakbang ang joint communique tungo sa pagkakaroon ng isang maunlad, mapayapa, at nagkakaisang bansa. Tiniyak naman ng PNP na handa silang tumulong sa anumang paraan upang makamit ang mga napagkasunduan sa joint agreement.
Para naman sa mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), good news ang naging kasunduan ng Pilipinas at NDFP. Ayon kay AFP Gen. Romeo Brawner Jr., ito ay dahil sa hangad rin nilang magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan.
Bukod sa joint agreement, matatandaang kamakailan lang, nagbigay rin ng amnestiya si Pangulong Marcos sa mga dating miyembro ng mga rebeldeng grupo. Para kay Atty. Naguib G. Sinarimbo, Interior Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), makatutulong ito sa pagbabago ng mga dating rebelde na maging productive at peace-loving Filipino citizens.