Tiniyak ni U.S. President Barack Obama na makakaasa ng suporta ang Pilipinas sakaling mangailangan ito ng tulong sa usaping pang-depensa.
Sa kanyang talumpati kahapon, sinabi ni Obama na pinagtibay na ng panahon ang pagtutulungan ng Amerika at Pilipinas patungkol sa usaping depensa dahil sa mga kasunduang ilang taon na nilang pinaiiral.
Ayon pa kay Obama, binibigyang diin ng kanyang pagbisita ang pagtutulungan ng Amerika at iba pang bansa upang matiyak ang seguridad ng karatagan at freedom of navigation sa rehiyon ng Asya Pasipiko.
Tumagal lamang ng kalahating oras si Obama sa loob ng BRP del Pilar kung saan tinignan niya ang mga pasilidad doon.
Nakipag-usap din ang presidente ng Amerika kina AFP Chief of Staff General Hernando Irriberi at Defense Secretary Voltaire Gazmin sa loob ng BRP Alcaraz.
Military Ships
Samantala, nangako si U.S. President Barack Obama na magdo-donate ang Amerika ng dalawang military ships sa bansa.
Sa kanyang talumpati kahapon sa Pier 13 sa South Harbor, sinabi ni Obama na nais nilang magbigay ng isang research ship na magagamit sa pamamapa sa karagatan at isang U.S. Coast Guard cutter o barkong pandigma na katulad ng BRP Del Pilar.
Ayon kay Obama, layon ng hakbang na ito na mapataas pa ang maritime assistance ng Amerika sa kanilang mga kaalyadong bansa.
By Meann Tanbio | Jonathan Andal