Tiniyak ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) na may sapat na supply ng baboy para sa holiday season kahit sumirit ang presyo nito sa ilang palengke sa Metro Manila.
Sa kabila ito ng kumpirmasyon ng Bureau of Animal Industry (BAI) na bahagyang nakararanas ng kakapusan ng pork supply ngayong huling bahagi ng taon.
Ayon kay Sinag Chairman Rosendo So, maaaring tumagal ang kasalukuyang supply hanggang unang quarter ng susunod na taon dahil batay sa datos ng gobyerno ay bumabaha ng imported sa cold storage.
Dahil dito, tinawag ni So na economic saboteurs ang mga nagpapakalat ng balitang mayroong kakulangan sa supply ng baboy.
Mayroon anyang nagpapakalat ng maling balita na may shortage upang bigyang-katuwiran ang taas-presyo sa mga palengke at ituloy ang pagbaba ng taripa sa baboy, bigas, mais at mechanically deboned chicken meat.
Sa katunayan anya ay mga importer at trader lamang ang masaya kapag mag-papasko dahil namamayagpag ang mga ito sa retail market at humahakot ng kita pero mga producer, consumer at gobyerno naman ang lugi.
Idinagdag ng Sinag na naglalaro sa P155 hanggang P175 kada kilo ang farmgate price ng baboy pero kung may supply deficit ay dapat tataas ito subalit bumaba pa.
Sa pag-iikot ng DWIZ sa ilang palengke sa Metro Manila, aabot na sa P270 hanggang P300 ang kada kilo ng karneng baboy.