Nilinaw ngayon ng Malacañang na sapat ang suplay ng bigas sa bansa.
Ayon kay Assistant Secretary Jonas Soriano ng tanggapan ng Cabinet Secretary na mayroong mahigit limampu’t limang (55) araw pa na buffer stock ng bigas sa kasalukuyan.
Maliban dito, sinabi ng opisyal na inaasahang madagdagan pa ito lalo’t panahon ngayon ng anihan.
Gayunman, inamin ni Soriano na ang mga imbak na bigas na ito ay mga commercial rice at wala nang NFA rice.
“Marami tayong bigas pero kumusta naman ang NFA rice, ‘yun ang problema, napansin talagang paliit na ng paliit ang supply ng NFA rice, officially ang nawawala sa merkado ay NFA rice pero kung titingnan mo sa merkado andaming bigas.” Ani Soriano
Sinabi ni Soriano na palaisipan pa rin sa pamahalaan kung bakit nagkukulang ang suplay ng NFA sa merkado.
“When in fact sa projections na galing mismo sa management, sa projections na nakita ng NEDA at sinasabi din ng DA ay nagkaroon ng ilang bumper harvest ang DA sa trabaho ng mga farmer, bakit nagkakaroon ng problema? ang laging binabanggit ng NFA management eh kasi mahirap bumili pero napansin din ng Council na bakit nung October, November, December, nag-dispose ng napakalaking volume ng bigas and yet 3 months before ay napaka-ordinary lang ng selling, ano bang nangyari nung Pasko, eh harvest season din ‘yan, bakit kailangang magbenta ng marami ‘pag harvest season?” Dagdag ni Soriano
Samantala, nilinaw naman ni Soriano na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabing dapat ay iisang tao lamang ang magsalita sa isyu ng suplay ng bigas.
Batay sa direktiba ng Pangulo tanging si Cabinet Secretary Leoncio ‘Jun’ Evasco lamang ang magsalita upang maiwasan ang anumang kalituhan sa isyu.
“Kahit kami nagmo-monitor, hindi si Administrator Aquino ang nagsasalita, napapansin namin ang mga nagsasalita ay ‘yung ibang nasa management at even district managers.” Pahayag ni Soriano
(Ratsada Balita Interview)