Tiniyak ng Department of Agriculture sa publiko na sapat ang food production ng bansa, partikular ng prime agricultural products, tulad ng bigas, gulay, manok at isda.
Ito’y sa kabila ng pagsirit ng presyo ng mga nasabing produkto lalo’t mataas ang demand sa isda at gulay ngayong Semana Santa.
Ayon kay DA Undersecretary Ariel Cayanan, sa katunayan ay mayroong record-breaking harvest productions para sa tatlong buwang buffer stock sa ikalawang quarter o hanggang Hunyo.
Magkakaroon pa anya ng produksyon sa susunod na tatlong buwan para sa ikatlong quarter bilang preparasyon sa tag-ulan.
Sapat din o 150% sufficient ang low-land level vegetables o pinakbet vegetables habang 158% ang sufficiency level ng highland vegetables.
Samantala, umapela si Cayanan na i-exempt sa spending ban ng Comelec ang subsidiya para sa mga magsasaka at mangingisda.