Hinikayat ng grupo ng magsisibuyas ang gobyerno na ipagpaliban muna ang pag-aangkat ng puting sibuyas.
Ito, ayon sa Valiant Cooperative ng Nueva Ecija, ay dahil sapat pa naman ang pulang sibuyas ng bansa upang matugunan ang kasalukuyang demand.
Inihayag ni Luchie Cena, pangulo ng Valiant Cooperative na inaasahan sa unang bahagi ng taong 2023 ang anihan ng puting sibuyas.
Nagbabala naman si Cena ng posibleng epekto sa lokal na industriya sakaling mag-angkat ngayon ng mga sibuyas.
Kung talaga anyang kailangang mag-import ay dapat kaunti lamang hangga’t maaari dahil may alternatibo namang solusyon at ito ay ang pulang sibuyas na di hamak na mas mahaba ang buhay kumpara sa puti.
Samantala, nangangamba umano ang mga magsasaka na maging talamak muli ang smuggling ng pulang sibuyas dahil dito.