Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na mananatiling stable ang presyo ng tinapay.
Tugon ito ni DTI Undersecretary Ruth Castelo sa babala ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda na posibleng tumaas na rin ng hanggang dalawang piso ang presyo ng tinapay.
Ayon kay Castelo, naka-order at nabayaran na ang mga paparating pang supply ng trigo para sa tatlong buwang domestic requirement.
Kapwa anya tiniyak sa kagawaran ng Philippine Baking Industry group at Philippine Association of Flour Millers (PAFMIL) na sapat ang supply ng trigo at stable ang presyo sa susunod na tatlong buwan.
Inihayag ng pafmil sa DTI na ang order para sa unang buwan ay nasa bansa na habang ang supply para sa susunod na buwan ay nasa biyahe pa habang ang binayaran na ang supply para sa ikatlong buwan.
Ipinaliwanag naman ni Castelo na kahit tumataas ang presyo ng oil products at naka-aapekto sa lahat ng bilihin, stable pa rin ang presyo ng basic goods dahil sapat ang inventory.