Pa-putul-putol pa rin ang supply ng tubig sa ilang lugar na sineserbisyuhan ng Manila Water.
Kabilang sa mga nakakararanas pa rin ng mahinang water pressure hanggang sa walang supply gaya ng mga residente ng Barangay Nangka, Parang at Tumana sa Marikina na hanggang hapon lamang ang tubig.
Ang iba naman tulad sa Barangay Barangka, Calumpang, San Roque at Santo Niño hanggang madaling araw lamang ang supply.
Samantala, nilinaw ni Manila Water Communications Planning and Technical Development Manager Dittie Galang na 97 percent na ng mga customer ang may supply.
Gayunman, nahihirapan pa aniya silang ibalik ang normal na supply sa nalalabing tatlong porsyento na pawang nasa mataas na lugar.
—-