Dapat ng ibasura ng Korte Suprema ang Quo-Warranto Petition ng Office of the Solicitor-General laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang apela ng mga taga-suporta ni Sereno na Coalition for Justice isang linggo bago ang sinasabing paghuhukom ng Supreme Court En Banc sa tunay na estado ng punong mahistrado.
Sa ipinadalang liham sa S.C. ng C.F.J. na pirmado ni Pastor Jack Alvarez, nanindigan ang grupo na labag sa konstitusyon ang quo-Warranto Petition at banta sa kredibilidad ng Korte Suprema bilang isang institusyon.
“Politically-motivated” lamang anila ang nabanggit na petisyon ng Solgen kaya’t dapat na itong ibasura kasabay ng paghimok sa S.C. na bigyang pagkakataon si Sereno na ipagtanggol ang sarili nito sa pamamagitan ng isang “full-blown” impeachment hearing.