Nagsimula nang dumagsa sa harap ng Senado sa Pasay City ang mga supporter ni Senator Leila de Lima.
Ito’y sa harap na rin ng napipintong pagsuko ng Senadora sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) bunsod ng tatlong kasong kriminal na kanyang kinakaharap sa Muntinlupa Regional Trial Court na may kaugnayan sa umano’y kalakalan ng iligal na droga sa Bilibid.
Punong-puno naman ng mga naglalakihang tarpaulin na kulay light blue ang mga bakod na bakal sa main gate ng Senado kung saan may mga larawan ng Senadora at may mga nakasulat na “One for Leila” at “Stop Political Persecution.”
Maging ang mga punong-kahoy sa Center Island ng Diokno Avenue ay may mga nakakabit ding ribbon na kulay light blue.
Magugunitang ise-serve na sana ng pulisya kagabi ang warrant of arrest laban kay De Lima ngunit sinasabing binigyan ito ng hanggang alas-10:00 ngayong umaga para kusang-loob na sumuko.
By Jelbert Perdez | Report from Aya Yupangco (Patrol 5)