Nabuhayan ng pag-asa at natutuwa ang mga supporter ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Kasunod na rin ito nang anunsyo mismo ni Duterte sa pagpalaot sa 2016 Presidential elections.
Kinumpirma na rin sa DWIZ ni Kapitan Mar Masanguid, Founder at National President ng Duterte for President Movement ang pagbabago ng isip ni Duterte matapos madismaya sa pagpabor ng SET o Senate Electoral Tribunal kay Senador Grace Poe sa disqualification case na kinakaharap nito.
“Kahapon din sa Cebu si Mayor nag-confirm na na siya’y tuluy na tuloy na, talagang wala nang kawalayan, meron na siyang appointment pero meron na siyang interview kahapon lang na nag-confirm na siya para malaman ng mga taga-Luzon at supporters ni Mayor Duterte na sa wakas ay nakuha na natin ang ating pangarap na maging pangulo ng ating bansa si Duterte.” Pahayag ni Masanguid.
Running for President
Desidido ng tumakbo sa pagka-pangulo sa 2016 elections si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag ni Duterte nang dumalo sa birthday celebration ng kanyang kaklase sa law school sa Dasmariñas, Cavite.
Ayon kay Digong, ang nagpabago sa kanyang isip ay ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal na nagbasura sa disqualification case na kumukuwestyon sa citizenship ni Senador Grace Poe na inakusahang hindi umano natural-born Filipino.
Iginiit ng alkalde na tanging ang tunay na Filipino ang dapat mahalal sa pinakamataas na posisyon at hindi katanggap-tanggap ang isang Amerikanong pangulo.
Gayunman, inamin ni Duterte na kailangan pa niyang kausapin ang mga miyembro ng PDP-Laban sa pangunguna ni Senator Koko Pimentel hinggil sa kanyang pasya.
Samantala, inamin ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na hiniling noon ni Senator Grace Poe na maging kanyang running mate para sa 2016 Presidential elections.
Gayunman, nagbago ang desisyon ni Poe na maging bise presidente ni Duterte matapos lumabas ang resulta ng survey kung saan nanguna ang senador sa presidential race.
Ayon kay Duterte, mismong si dating Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo na kapitbahay ng mambabatas sa Corinthian Gardens, Quezon City ang namagitan upang kanyang maging running mate.
Hindi naman idinetalye ni Digong kung kailan at saan naganap ang nasabing pulong.
By Judith Larino | Balitang Todong Lakas | Drew Nacino