Maaaring lumipat na lamang sa iba pang social media platform ang mga taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag ng Malacañang matapos tanggalin ng Facebook ang ilang pages na nauugnay sa mga grupong sumusuporta sa pangulo, pulisya at militar dahil sa tinatawag na coordinated inauthentic behavior.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nirerespeto nila ang pasiya ng Facebook.
Gayunman, kanyang iginiit ang pagtutol sa pagkuha ng Facebook sa Rappler at Vera Files bilang kanilang fact-checkers.
Kinuwestiyon ni Roque ang naturang pasiya ng Facebook gayung malinaw na oposisyon aniya ang pinuno ng dalawang media outlet.
Batay aniya sa kuwento sa kanya ng mga supporters ng administrasyon, humahanap na sila ng alternatibong social media platform para magamit sa pagpapakalat ng impormasyon.