Kinasuhan ng Department of Justice si Superintendent Rafael Dumlao kaugnay sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong negosyanteng si Jee Ick Joo.
Batay sa ipinalabas na mga subpoena ng state prosecutor, bukod kay Dumlao na dating team leader ng binuwag na anti-illegal drugs group, kinasuhan din ng kidnap for ransom at serious illegal detention si NBI Striker Jerry Omlang na umaming kinausap siya ni SPO3 Ricky Santa Isabel para dukutin si Jee.
Kabilang sa binigyan ng subpoena ang dating pulis na si Gerardo Santiago na may-ari ng Gream Funeral Parlor kung saan dinala ang mga labi ni Jee at Christopher Alan Gruenberg na may-ari ng kotse na kasama sa convoy nang dukutin ang Koreanong negosyante sa Angeles City, Pampanga.
Ipinatatawag din sa pagdinig ng reinvestigation ang iba pang respondent na sina Santa Isabel, SPO4 Roy Villegas, SPO4 Ramon Yalong, at PO2 Christopher Baldovino.
Pinadadalo rin sa Biyernes, alas 2:00 ng hapon, para sa reinvestigation ng pagdukot at pagpatay kay Jee ang asawa niyang si Choi Kyung Jin, kasambahay nilang si Marissa Morquicho, at mga miyembro ng PNP Anti-Kidnapping Group.
By: Avee Devierte / Bert Mozo