Bigong sumipot si Superintendent Raphael Dumlao sa unang araw ng reinvestigation sa kaso ng Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo.
Ayon sa kanyang abugado, malapit lamang si Dumlao sa tanggapan ng Department of Justice sa Maynila, pero hindi siya dumalo dahil sa isyung ng seguridad.
Kasama na sa respondents ng naturang kaso si Dumlao.
Samantala, dumalo naman sa pagdinig ang iba pang respondents na sina SPO3 Ricky Santa Isabel, SPO4 Roy Villegas, Ramon Yalung, dating pulis na si Gerardo Santiago na may-ari ng Gream Funeral Parlor na pinagdalhan sa bangkay ni Jee, Christopher Alan Gruenberg, at PO2 Christopher Baldovino.
Nasa pagdinig din ang kasambahay ni Jee na si Marisa Dawis Morquicho at ang asawa ni Jee na si Choi Kyungjin.
Binigyan naman ng piskalya ang panig ng PNP-Anti Kidnapping Group at NBI ng limang araw para magsumite ng amended complaint na magdedetalye ng kanilang paratang laban sa mga respondent.
By: Avee Devierte / Bert Mozo