Isasailalim sa integrity test at soil test ang lupa sa Surigao Airport.
Ayon kay CAAP o Civil Aviation Authority of the Philippines Director General Captain Jim Sydjiongco, nakipag-ugnayan na ang mga inhinyero ng CAAP sa PHIVOLCS upang magsagawa ng masusing inspeksyon sa Surigao Airport.
Nakipag-ugnayan na rin, aniya, ang CAAP sa Department of Public Works and Highways para sa pansamantalang pagbubukas ng paliparan habang inaantabayan ang pagpasok ng relief goods at operations buhat sa mga tutulong sa Surigao.
Sinabi ni Sydjiongco na bagaman hindi pa tiyak ang magiging resulta ng integirity test at soil test sa Surigao Airport, makapapasok naman ang mga relief operation at lahat ng tulong para sa lalawigan.
Nananatiling sarado ang Surigao Airport makaraang yanigin ng magnitude 6.7 na lindol ang lalawigan noong Biyernes.
Ayon kay Sydjiongco kapag natiyak nang ligtas para commercial operation ang nasabing paliparan, nakatakda itong magbukas sa Marso 10 o hanggang sa matiyak ng pamahalaan na may sapat ng dahilan upang buksan ito.
By: Avee Devierte / Raoul Esperas