Handa na ang lokal na pamahalaan ng Surigao City sa posibleng pananalasa ng bagyong Queenie.
Nakamonitor 24/7 ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa lagay ng panahon para sa mabilis na pagtugon sa sama ng panahon.
Inihanda na rin ng CDRRMO ang mga kagamitan nito para sa road clearing, water search and rescue, at extrication sakaling may bumagsak na istruktura, gayundin ang floating aids at masonry tools.
Tinitingnan na rin ng mga otoridad ang pagpapatupad ng pre-emptive evacuation sa 33 barangays na binaha dahil sa mga nagdaang bagyo at 21 island barangays na posibleng maapektuhan ng malalakas na hangin at alon.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang CDRRMO sa iba pang ahensya ng gobyerno.