Niyanig ng 6.7 magnitude na lindol ang Surigao del Norte kagabi.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), natukoy ang sentro ng pagyanig sa labing apat (14) na kilometro hilagang silangan ng Surigao City.
Tectonic ang pinagmulan ng paglindol at may lalim itong apat (4) na kilometro.
Sa lakas ng pagyanig, nasira ang ilang bahay, gusali at kalsada sa siyudad.
Naramdaman ang intensity 6 sa Surigao City at Pintuyan sa southern Leyte, intensity 5 sa Mandaue City, San Ricardo, Limasawa at San Francisco sa southern Leyte, intensity 4 naman sa Hinunangan sa southern Leyte at Butuan City.
Samantala, intensity 3 naman ang naramdaman sa Hibok-Hibok, Camiguin, Tolosa at Tacloban sa Leyte, Bislig City, Gingoog City at Misamis Oriental habang intensity 2naman sa Cagayan de Oro City, Talacogon City sa Agusan del Sur, Dumaguete City at Cebu City.
Nakapagtala naman ng sunod-sunod na aftershocks matapos ang naturang lindol.
7 injured
Samantala, 7 na ang napaulat na nasugatan sa pagtama ng malakas na 6.7 magnitude na lindol sa Surigao del Norte kagabi.
Sa panayam ng DWIZ, ipinabatid ni Office of Civil Defense Caraga Region Director Rosauro Gonzales Jr., inaasahang tataas pa ang naturang bilang dahil sa pinsalang idinulot ng naturang lindol.
Iniulat ni Gonzales na ilang lugar na ang di madaanan sa Surigao del Norte bunsod ng mga nasirang tulay at kalsada habang maraming bahay at gusali din ang napinsala.
Samantala, tuloy-tuloy naman ang rescue operations ng mga kinauukulan sa Surigao kaugnay ng nagyaring lindol.
Kasalukuyan namang black out sa malaking bahagi ng lalawigan ng Surigao del Norte.
By Ralph Obina