Pinatawan ng 30 pagkakakulong si Outgoing Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay, Jr. at Local Water Utilities Administration (LWUA) Acting Deputy Administrator Wilfredo Feleo dahil sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act 3019 na mayroong 3 counts.
Ito ay matapos mapatunayan ng 4th division ng anti-graft court ang nilabag ng dalawa kung saan, nakabili si Pichay ng 60% share ng Express Savings Bank, Inc. (ESBI) na nagkakahalaga ng P80 million noong 2009 at naka-base ito sa Laguna kung saan administrator noon si Pichay ng Local Water Utilities Administration (LWUA).
Nabatid na ang nasabing halaga ay bukod pa sa idineposito na P300 million sa nasabing bangko at capital infusion na P400 million.
Sa pamamagitan umano ng Wellex Group Inc. (WGI) at Forum Pacific Inc., inaprubahan ang pagbili kahit walang regulatory approval sa monetary board ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Finance at Office of the President.
Dahil dito, pinagbabawalan sila ng hukuman na magtrabaho sa gobyerno pero agad silang inabsuwelto ng Korte sa umano’y paglabag ng mga ito sa manual of regulation for banks na may kaugnayan sa Section 36, 37 ng Republic Act no. 7653 o New Central Bank Act makaraang mabigong mapatunayan ng prosekusyon ang pagkakasangkot nila sa nasabing kaso.
Ang naturang desisyon ng hukuman ay pirmado nina Associate Justice Lorifel Pahimna, 4th Division Chairperson Alex Quiroz at Associate Justice Edgardo Caldona.