Binigyang diin ng ilang kongresista, na dapat ay mga merito at hindi survey ang maging basehan hinggil sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng inilabas ng survey firm na WR Numero kung saan 47% ng kanilang mga respondent ay tutol sa proseso ng paglilitis sa Bise Presidente.
Ayon kay House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong, kinikilala nila ang resulta ng survey lalo na’t mayroon ding mga naunang survey na pabor naman sa impeachment.
Bagamat sumasalamin aniya ang mga survey sa sentimyento ng publiko, magkakatalo pa rin ito sa mga ebidensyang ilalatag ng House Prosecution Panel kapag nagsimula na ang paglilitis.
Dagdag pa ng mambabatas, maraming Pilipino ang interesadong malaman ang mga nilabag, alegasyon, at katotohanan batay sa mga nakuhang ebidensya.—ulat mula kay Geli Mendez (Patrol 30)