Duda ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa layunin ng isinagawang survey ng international e-commerce website na picodi.com.
Ito’y makaraang lumabas sa nasabing survey na ika-95 ang Pilipinas sa 110 bansa na mayroong pinakamababang pasuweldo sa mga manggagawa.
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz – Luis, taliwas aniya ito sa inilabas na survey ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Hulyo kung saan, pangalawa umano ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na may pinakamataas na minimum wage.
Bagama’t maliit lang ang kalamangan ng Thailand sa Pilipinas, sinabi ni Ortiz – Luis na malaking bentaha aniya rito ang cost of living at dapat ding maunawaan ng publiko ang pagkakaiba ng minimum sa living wage.
Sinegundahan naman ito ni National Wages and productivity Board Executive Director Maria Criselda Sy kung saan, sinabi nito na nagtataka siya kung paano kinalap ng grupo ang mga datos.
Giit pa ni Sy, hindi dapat ikinukumpara ang Pilipinas sa iba pang mga bansa dahil magkakaiba ang economic status ng mga ito.