Tila nagkalimutan sa dapat na ibigay na pensyon sa mga magulang ng halos labing apat (14) na binatang SAF commando na nasawi sa Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao.
Ibinunyag sa DWIZ ni Ginoong Rico Erana, ama ni Police Senior Inspector John Gary Erana na nangako noon ang dating Pangulong Noynoy Aquino na aayusin ang batas hinggil sa survivor pension ng mga walang asawang SAF commando na nasawi sa nasabing operasyon.
Tatlong taon na aniya makalipas ang naturang masaker ay tanging ang limampung (50) porsyento ng buwanang basic salary ng kanilang anak ang kanilang nakukuha at makukuha habang sila ay buhay pa.
“Kaya sabi ni dating Presidente Noynoy Aquino doon sa Crame noong mag one-on-one kami sabi niya tutulungan kami, ipa-review niya kay dating Justice Secretary Leila De Lima ang batas para naman maamyenda pero wala namang nangyari, hanggang ngayon hindi kami nakatanggap, yung ibang may mga asawa na sila ang nakatanggap, yung 14 na mga binata talagang walang natanggap mula sa NAPOLCOM, yung sa PNP meron, yung 50 percent ng kanilang basic salary, yan ang tinatanggap namin.” Pahayag ni Ginoong Erana
Misa para sa SAF 44
Kaninang umaga, nag-alay ng misa ang PNP sa headquarters ng SAF sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City na dinaluhan ni dating SAF Chief Director Getulio Napeñas.
Dumating din sa nasabing seremonya ang mga kaanak ng nasawing SAF 44.
Matapos ang misa, ay ginawaran ng 21-gun salute ang 44 na magigiting na PNP-SAF commandos na nagbuwis ng kanilang buhay.
Nagsagawa rin ng misa ang PNP Region 10 sa paggunita sa ika-tatlong anibersaryo nang pagkasawi ng SAF troopers ngayong araw na ito.
Ayon kay PNP Regional Spokesman Police Superintendent Lemuel Gonda, hangad nilang makasuhan ang mga nasa likod ng palpak na operasyon na ikinasawi ng kanilang mga kasamahan habang tinutugis ang wanted na Indonesian bomber na si Zulkifli Binhir alias Marwan.
Malinaw aniyang pinabayaan ng commander in chief noon ang seguridad ng SAF troopers na nasa mapanganib na misyon laban kay Marwan at maging kay Adbul Basit Usman.
Kaninang madaling araw naman ay pinangunahan ni PNP Regional Director Chief Superintendent Timoteo Pacleb ang commemorative ride kung saan nag bisikleta ang mga pulis sa ilang pangunahing lansangan ng Cagayan de Oro City.
Matatandaang, taong 2015 nang masawi ang SAF 44 sa kanilang operasyon na tinaguriang Oplan Exodus laban sa Malaysian terrorist na si Zulkifli Abdhir alyas Marwan.
(May ulat ni Jonathan Andal / Balitang Todong Lakas Interview)