Naaresto na ng mga awtoridad ang isang lalaki na siya umanong responsable sa pamamaril sa grupo ng mga pulis habang nagsasagawa ng operasyon laban sa illegal logging sa Cagayan province.
Ayon kay Brig. Gen. Crizaldo Nieves, direktor ng Police Regional Office 2, nakilala ang suspek na si Ernest Sibbaluca ng Barangay Minanga sa bayan ng Peñablanca.
Matatandaang ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Debold Sinas ang pagtugis sa suspek na namaril sa grupo ni Lt. Randy Baccay, deputy chief of police ng Peñablanca Police Station.
Sinasabing rumesponde ang mga elemento ng Peñablanca PNP sa lugar nang makatanggap ng sumbong ukol sa mga nakatambak na troso sa Sitio Dalayat hanggang sa bigla na lamang umanong paputukan ang mga pulis kung saan tinamaan si Baccay.
Ayon kay Nieves, si Sibbaluca ay sasampahan ng mga kasong direct assault upon an agent of authority at frustrated murder.