Patay sa pamamaril ang tatlong indibidwal kabilang na ang isang pulis at barangay kagawad sa Barangay Cubay South, Bugasong, Antique.
Kabilang sa mga nasawi ang suspek na si Roy Jalipa, 33-anyos at ang dalawang biktima na sina Barangay Kagawad Efren Florendo, 60-anyos at Staff Sergeant Elvin Agting, 42-anyos, police personnel ng Bugasong Municipal Police Station.
Ayon sa mga rumespondeng mga pulis, nakakaranas ng nervous breakdown ang suspek base sa pahayag ng pamilya nito.
Agad silang nakipag negosasyon pero mabilis na pinaputukan ng baril ng suspek ang mga biktima dahilan para gumanti ang mga pulis.
Dito na binawian ng buhay ang suspek na ngayon ay inaalam pa ng mga awtoridad kung totoong nakakaranas ito ng nervous break down na una nang inihayag ng pamilya ng suspek. —sa panulat ni Angelica Doctolero