KINATIGAN ng Korte Suprema ang naging hatol ng mababang hukuman laban sa isang lalaki matapos pagbabarilin at pagtatagain ang kanyang kapitbahay na ikinasawi nito sa Romblon noong Marso 2014.
Sa hatol ng Supreme Court, binanggit na walang mali sa desisyon ng lower court nang patawan nito ng life sentence ang akusadong Jovencio Rollan matapos mapatunayang pinatay nito ang biktimang si Efren Reaño sa Barangay Lumbang West, Cajidiocan, Romblon.
Batay sa rekord ng korte, nakikipag-inuman si Reaño sa kanyang mga kaibigan nang pagbabarilin ni Rollan kung saan tinamaan ito sa leeg bago pinagtataga hanggang sa masawi.
Maliban sa habambuhay na pagkakakulong, pinagbabayad din ng korte si Rollan ng dalawang daang libong piso sa pamilya ng biktima bilang danyos, maliban sa anim na porsiyentong interes kada taon hanggang sa maisapinal ang hatol sa kaso.