Tukoy na ng mga awtoridad ang nasa likod ng pagpaslang kay dating Abra Vice Governor Ronaldo Somera sa Marikina City.
Ayon kay Eastern Police District Director, Chief Supt. Romulo Sapitula, kinilala na ng mga imbestigador ang miyembro ng gun for hire group na bumaril kay Somera subalit hindi pa nila ito maaaring isapubliko upang hindi maunsyami ang follow-up operations.
Kalalabas lamang ng 62-anyos na biktima sa San Roque Cockpit Arena nang pagbabarilin ng dalawang salarin, noong Hunyo 2 na ikinasugat naman ng kanyang mga kasamang sina Reynaldo de Luna at Wilfredo Apalisoc.
Pauwi na sana si Somera sa bahay nito sa Vista Verde Subdivision sa Cainta, Rizal nang maganap ang insidente.
Samantala, inihayag ng anak ni Somera na si Josefina Jaja Disono, na inendorso ang kanyang ama ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos upang maging direktor ng National Tobacco Administration, bago paslangin.