Tukoy na di umano kung sino ang nasa likod ng mapanirang artikulo sa isang blog site laban sa pitong senador na miyembro ng mayorya sa Senado.
Gayunman, sinabi ni Senador Tito Sotto na aantayin muna nila ang findings ng NBI o National Bureau of Investigation hinggil dito bago ibulgar ang suspek sa publiko.
Ayon kay Sotto, pinag-aaralan na niya ang pagsasampa ng cyber libel laban sa nasa likod ng black propaganda laban sa kanila at nagbigay na rin siya ng manifestation sa Committee on Mass Media para silipin ang pangyayaring ito.
Si Sotto ay tinawag na lapdog, rapist at iba pa sa isang anti-Duterte blog site matapos na hindi makapirma sa resolusyon ng minorya na nananawagan sa pagpapatigil ng EJK o extrajudicial killings sa bansa.
“Malamang meron nang mga pangalang lumilitaw dahil akala nila yung kausap nila hindi sisigaw, kagabi pa lang tinawagan na ako, Ni-refer ko ang aking manifestation sa Committee on Public Information and Mass Media, si Senator Grace Poe ang chairman nun, ang sinasabi niya tatawag agad siya, ibibigay ko ang mga pangalan ng ipapatawag niya.” Ani Sotto
Matatandaang ibinulgar ni Senador Cynthia Villar na may mga miyembro ng miyorya ang kumikilos para sirain ang mga senador na nasa Majority Coalition.
Tinukoy ni Villar na mula sa ilang social media practitioner ang naturang impormasyon.
Bago pa man ang privilege speech ni Villar kahapon ay pinangalanan na niya ang naturang mga senador na sina Senador Risa Hontiveros at Bam Aquino.
Agad namang pinabulaanan ni Aquino at Hontiveros ang akusasyon ni Villar.
(Ulat ni Cely Bueno)