Naglabas na ng ‘all points bulletin’ ang pulisya para sa agarang ikadarakip ng lalaking suspek sa pagpatay sa 5 miyembro ng isang pamilya sa Barangay Tarusanan, Milaor, Camarines Sur.
Ayon kay Col. Louie Dela Peña, tagapagsalita ng Camarines Sur police, tinutugis na nila ang prime suspect na si Arthur De Leon na siyang itinuturong pumaslang sa mga biktimang sina Romeo de Leon, 72; Samuel Cobilla Jr.; Noela Agliones, 7; Hobbie John Britanico, 6; at Robbie John Britanico, 4.
Tanging ang batang si Hades John Britanico ang nakaligtas sa krimen at patuloy itong nilalapatan ng lunas sa isang ospital.
Sa imbestigasyon, nanonood ng telebisyon ang mga biktima nang pumasok sa kanilang bahay ang salarin na nakasuot ng camouflage uniform at pinagbabaril ang mga ito gamit ang isang M16 rifle.
Pinaniniwalaan na ang matagal nang alitan sa lupa ang isa sa motibo ng gunman kaya pinatay ang mga biktima.