Nilinaw ng Philippine National Police (PNP)- Cagayan Valley na hindi miyembro ng pambansang pulisya ang mga suspek sa pananambang na ikinasawi ng bise alkalde ng Aparri, Cagayan at lima pa nitong kasama.
Ayon kay Police Regional Office 2 Acting Director, Brigadier General Percival Rumbaoa, batay sa Regional Information Office ng PNP-Cagayan, hindi lehitimong unipormadong pulis ang mga suspek.
Nabatid na ginawa ni Rumbaoa ang paglilinaw kasunod ng mga ulat na nakasuot ng uniporme ng PNP ang mga suspek, na nagsagawa ng mapangahas na pananambang na ikinasawi ni Vice Mayor Rommel Lameda at limang iba pa.
Tiniyak naman ng opisyal na ginagawa na nila ang lahat ng kanilang makakaya upang matukoy at maaresto ang mga suspek, upang mabigyan ng hustisya ang kanilang pagkamatay.