Hawak ngayon ng mga Indian police ang isang miyembro umano ng militanteng grupong Hizbul Mujahideen matapos ang nangyaring pagpapasabog sa isang bus station sa Jammu City sa India.
Ito’y sa gitna ng namumuong tensyon sa pagitan ng India at Pakistan.
Nangyari ang naturang pag-atake na ikinasawi ng nasa dalawa katao at mahigit tatlumpung (30) sugatan, kahapon.
Ayon sa mga otoridad, isiniwalat ng naarestong miyembro ng militanteng grupong Hizbul Mujahideen na naatasan syang maghagis ng bomba ni Farooq Ahmed Bhat, district commander ng nabanggit na grupo sa bahagi ng Jammu City.
Bagay na una nang itinanggi ng grupo.
Kinilala ang naaresto na si Yasir Javed na nasa dalawampung (20) taong gulang.
Kilala ang grupong Hizbul Mujahideen bilang pinakamalaking Kashmiri Militant Group mula noong 1990 at itinuturing na nasa panig ng Pakistan.