Nahaharap sa patumpatong na kaso ang suspek sa nangyaring pagnanakaw at pagpatay sa 24 anyos na ina gayundin sa kaniyang anak at pamangkin sa Cainta, Rizal.
Kinilala ni Police Regional Office 4A Director, P/BGen. Antonio Yarra ang suspek na si Vergel Cajulao Navalta na positbong kinilala ng mga kapitbahay ng mga biktima.
Nasakote si Navalta matapos siyang hainan ng warrant of arrest dahil sa isa pa niyang kasong simple theft sa kaniyang pinagtataguan sa Brgy. Camposanto 1 Sur, Moncada sa Tarlac.
Nakuha sa kaniya ang damit na siyang suot nito nang mangyari ang krimen gayundin ang 10 pulgadang kutsilyo na tigmak ng dugo na posibleng ginamit din sa krimen.
Dahil dito, ipinag-utos ni Yarra sa Cainta Municipal Police Office na magkasa ng isang matibay na kaso laban kay Navalta at tiyaking mapananagutan nito ang kaniyang karumal-dumal na ginawa. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9 )