Pormal nang sinampahan ng kasong robbery with homicide sa Quezon City Prosecutor’s Office ang suspek sa pagpatay kay Special Asst/Prosecutor Madonna Joy Tanyag na si Angelito Avenido Jr.
Ayon sa Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit, walang inirekumendang piyansa para kay Avenido at posible itong makulong ng habang buhay sakaling mapatunayan sa korte ang kaniyang pagkakasala.
Ayon kay QCPD Director C/Supt. Joselito Esquievel, itinuturing na nilang naresolba na ang kaso bagama’t hindi pa rin nila ito tinitingnan bilang case solved dahil maliban sa anggulong robbery – hold up, posible ring ginamit si Avenido para patayin si Tanyag.
Gayunman, hindi kumbinsido sa pagkaka-aresto kay Avenido ang Presidential Anti-Corruption Commission at VACC Founding Chairman Dante Jimenez.
Ayon kay Jimenez, nakatanggap umano sila ng impormasyon na kilalang gumagamit ng iligal na droga at labas-masok sa kulungan si Avenido kaya posibleng inuupahan ito ng ilang tao para pumatay.