Inihahanda na ng Police Regional Office 4-A o Calabarzon PNP ang kasong isasampa nila laban sa itinuturong suspek sa pagpatay sa 34 anyos na si Robyn Jang Lucero.
Ito’y makaraang maaresto ng mga tauhan ng Investigation at Intellegence Unit ng Calamba City Police Station ang suspek na kinilalang si Ann Shiela Montes Belarmino nuong Hulyo 3 subalit ngayon lang isinapubliko ng pulisya.
Si Lucero ang vehicle for hire driver na walang awang pinagsasaksak at inabandona sa loob ng kaniyang sasakyan sa Bucal bypass road, Brgy. Maunong, Calamba City, lalawigan ng Laguna nuong Hunyo 28.
Ayon kay Calabarzon Regional Police Spokesman P/Capt. Mary Anne Torres, positibong itinuro ng isang testigo si Belarmino sa pamamagitan ng CCTV footage.
Dahil dito, inaresto si Belarmino sa bisa ng inilabas na warrant of arrest ng Korte dahil sa kasong murder at kasalukuyang nasa kostudiya ng Calamba City Police Station.
Gayunman, kasalukuyan pang tinutugis ng mga awtoridad ang limang iba pang person’s of interest sa nabanggit na kaso.