Naaresto na ng Philippine National Police sa Camarines Sur ang suspek sa kaso ng 15 anyos na babaeng siklista na natagpuang patay sa madamong bahagi ng Bustos, Bulacan, kamakailan.
Kinilala ang suspek na si Gaspar Maneja, Jr., alyas Jose Francisco Santos, na huli umanong nakasama ng biktimang si Princess Marie Dumantay, grade 9 student at residente ng San Jose Del Monte City, Bulacan.
Ayon kay PNP Spokesperson, Col. Jean Fajardo, nasakote si Maneja ng pinagsanib na pwersa ng Police Regional Office-5 Criminal Investigation and Detection Group at mga elemento ng Bulacan Provincial Police Office sa barangay Veneracion sa bayan ng Pamplona, kahapon ng umaga.
Natunton ng mga otoridad ang sasakyang ginamit ni Maneja na Toyota Wigo na may plakang EAE-2913 na nakarehistro sa kanyang nakababatang kapatid na si Jomer.
Gayunman, nang tanungin ng mga otoridad si Jomer ay inamin nitong simula pa noong Agosto 2021 ay wala na sa kanya ang sasakyan at dahil hindi na kayang tustusan ang buwanang hulog kaya’t ipinasalo ito sa kanyang kuya.
Batay sa salaysay ng mga testigo, nakitang sumakay si Dumantay sa Wigo ng suspek noong Agosto a – diyes at kinumpirma rin ng mga vendor sa barangay Bonga Menor, Bustos na madalas gamitin ng suspek ang sasakyan.
Ang mga testigo rin anya ang nagbigay sa mga otoridad ng plate number ng sasakyan kaya’t nagkaroon ng pagkakataon para maipa-verify ito sa LTO.
Nahaharap naman ang suspek sa kasong rape with homicide at paglabag sa P.D. number 38 o Using Fictitious Name and Concealing True Name sa prosecutor office, sa Malolos City bukod pa ito sa standing warrant of arrest sa dalawa pang kaso ng child abuse at rape.