Nasa kustodiya na ng Pasay City Police ang suspek sa pagpatay sa Grab driver na si Gerardo Maquidato Jr.
Ayon kay Supt. Gene Licud, Deputy Chief for Operations ng Pasay City Police, sumuko sa kanila si Narc Tulod Delemios alyas Niko, 25-singko anyos makaraang makipagtulungan sa mga awtoridad ang kanyang ka-live-in partner na si Giselle Capati.
Bukod sa pagpatay kay Maquidato, mayroong standing warrant of arrest si Delemios mula sa Parañaque City RTC dahil naman sa pagpatay sa isa pang lalaki noong October 2014.
Nakatakda namang ipresenta si Delemios ng Southern Police District sa media mamayang alas-11:00 ng umaga.
Samantala, natagpuan na rin ang sasakyan ni Maquidato sa bahagi Mc Arthur Highway Sitio Orquico sa Barangay Matatalaib, Tarlac City.
Ayon kay Licud, inulat sa kanila ng Police Community Precinct 1 ng Tarlac City ang pagkakarekober sa isang silver gray na Toyota Innova na walang plaka at walang conduction sticker at basag rin ang windshield sa harapan ng driver seat.
Matapos ang pagsisiyasat ay nakumpirmang ito ang nawawalang sasakyan ni Maquidato na pinaslang noong nakaraang buwan.
(Ulat ni Gilbert Perdez)