Iniharap na sa media ng Philippine National Police o PNP ang naarestong suspek sa pagpaslang sa Grab driver na si Gerardo Maquidato Jr.
Pinangunahan ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang paglalantad sa publiko kay Narc Tulod Delemios.
Ayon kay PNP- National Capital Region Police Office o NCRPO Director Oscar Albayalde, na pressure si Delemios na sumuko sa mga awtoridad nang ma-verify ng mga awtoridad na may standing warrant of arrest pa ito.
Lumalabas aniya sa paunang imbestigasyon na tinangka ni Delemios na holdapin si Maquidato.
“Based on the verification, nang lumabas ang pangalan niya na siya ang suspek dun, based on verification ng Pasay Police tsaka ng CIDG, lumalabas na mayroon siyang standing warrant of arrest, that led yung pressure sa kanya, ang initial finding ang motive niya is hold up, gusto niyang holdapin ang Grab driver, nag-scuffle sila kaya nabaril niya, yan ang lumalabas sa investigation.” Ani Albayalde
Naging emosyonal ang pamilya ni Maquidato nang makaharap si Delemios.
Sinabi ni Ginang Brenda Maquidato na ginawang hayop ni Delemios ang kaniyang asawa na isang mabuting tao.
Humingi naman ng tawad sa pamilya Maquidato si Delemios na umaming pera lamang ang gusto niya kaya’t nagawa niya ang krimen.
(Ulat ni Jonathan Andal)