Kinilala na ng Pasay City Police ang suspek sa pagpatay sa Grab driver na si Gerardo Amolato Maquidato, Jr.
Ang suspek na nakilalang si Narc Tulod Delemios o tinatawag ding “Miko”, ayon sa mga otoridad ay natukoy sa tulong ng kanyang live in partner na umaming cellphone niya ang ginamit ni Delemios para mag – book ng Grab car.
Si Delemios ay nahaharap sa kasong murder at may arrest warrant na inilabas ng Paranaque Regional Trial Court o RTC noong Pebrero 2015.
Si Maquidato ay binaril noong Oktubre sa Pasay City.
Tinangay din ang sasakyan nito na kulay silver na Toyota Innova at may sticker na YV7-109.
Dahil dito, naglabas na ng alarma ang Land Transportation Office (LTO) at Highway Patrol Group (HPG) para mapabilis ang paghahanap sa nasabing sasakyan.
Matatandaang, si Maquidato ay binigyan ng parangal ng Grab noong nakalipas na taon makaraang mag-viral ang balita nang pagpapasakay niya ng libre sa isang maysakit na pasahero.