Hawak na ng awtoridad ang suspek sa pananaksak at pagpatay sa isang 23 anyos na ina at sa kanyang anak na batang babae at pamangkin sa Cainta, Rizal.
Kinilala ang suspek na si Vergel Navalta, alyas Mark De Guzman, isang construction worker na naaresto sa Tarlac.
Ayon sa Cainta Municipal Police, kalalaya lang sa kulungan ni Navalta at may standing arrest warrant para sa kasong pagnanakaw sa Pangasinan.
Nagkaroon na rin umano noon ng kasong panghahalay sa Cavite ang suspek na nakapiit na sa Cainta police station.
Abril 6 nang matagpuang patay ang mga biktimang sina Angelica Antonio Manaloto, 24 taon gulang, anak na si Nica, apat na taon at pamangking si Renz Orly Manaloto Trinidad, 7 years old sa kanilang bahay sa barangay San Juan.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pagnanakaw ang nakikitang motibo sa karumal-dumal na krimen.