Pansamantalang pinalaya mula sa kulungan sa Puerto Princesa, Palawan si Leobert Dasmariñas na itinuturong suspek umano sa pagpatay sa kaniyang pinsan na si Jovelyn Galleno.
Nakapagpiyansa si Dasmariñas sa tulong narin ng dating mayor ng Puerto Princesa City at ngayon ay isang Congressman na si Edward Solon Hagedorn para narin umano sa kaligtasan ng suspek.
Kasunod ito ng ginawang pag-amin ng suspek na hindi siya ang pumatay at mayroong nasa likod sa pagpatay kay Jovelyn.
Inamin din ni Dasmariñas na siya ay nakararanas ng pambubugbog mula sa loob ng kulungan kung saan, sangkot ang Station Commander ng Irawan, Police Station na si Pol. Maj. Noel Manalo.
Bukod pa dito, nakatanggap din ng pambabanta sa kaniyang buhay at sa pamilya ang suspek mula kay Anti-Crime and City Information officer Richard Ligad na siya rin umanong nagdidikta kay Dasmariñas upang pagtakpan ang totoong sangkot sa krimen.
Dahil dito, ipinadala muna si Dasmariñas sa Metro Manila, upang isalang sa lie detector test upang malaman kung may katotohanan ang ibinibintang nito laban sa dalawang opisyal.