Naaresto na ng pulisya ang suspek sa pagsabog sa Lamitan, Basilan noong Martes na ikinasawi ng 11 katao.
Batay sa ulat, na-i-turn over na ang isang nagngangalang Indalin Jainul alyas Abdulgani sa Basilan Provincial Police.
Ayon sa militar, may mga ulat na nagsabing may koneksyon si Jainul sa Abu Sayyaf na kanyang tinutulungan sa mga iligal na aktibidad.
Isang granada rin ang napaulat na nakumpiska sa suspek ngunit ayon sa awtoridad, kailangan pang tukuyin ang konkretong ebidensya na mag-uugnay sa kanya sa insidente.
Matatandaan na inako na ng grupong Islamic State ang naganap na suicide bombing sa Basilan.
Batay sa official news agency ng Islamic State na Amaq, ang Moroccan national na si Abu Kathir Al-Maghribi ang nagsagawa ng “martyrdom operation.”
Dahil dito, isinailalim na rin sa heightened alert status ang buong Metro Manila at tiniyak na handa ang pulisya upang siguruhing hindi magkakaroon ng spill over sa NCR ang nangyaring pag-atake.
—-