Tukoy na ng Philippine National Police ang suspek sa magkasunod na pambobomba sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.
Kinilala lamang ni PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde ang suspek na si Alyas Kamah, kapatid ng napaslang na Abu Sayyaf sub-leader na si Surakah Ingog.
Batay anya sa CCTV footage, nakitang umaaligid si Kamah sa simbahan kasama ang iba pang suspek bago ang magkasunod na pagsabog.
Kilalang gumagawa ng bomba si Kamah at batay sa inisyal na imbestigasyon ay nasa dalawang kilo ng pampasabog ang ginamit ng mga suspek.
Gayunman, isinasailalim pa sa pagsusuri ang bomb fragments na narekober sa blast site upang mabatid kung anong uri ng pampasabog ang itinanim sa nabanggit na lugar.
Samantala, hindi rin inaalis ng PNP ang posibilidad na islamic state ang nasa likod ng pag-atake kahit pa malinaw na mga miyembro ng Abu Sayyaf ang nagsagawa ng pambobomba.