Hawak na ng Laurel Municipal Police Office ang isa sa mga testigo sa panggagahasa at pagpatay sa isang 15 anyos na dalagita sa Laurel, Batangas.
Batay sa impormasyong ipinarating ng Laurel PNP sa Kampo Crame, lumutang si Jayvie San Vicente kasama ang kaniyang mga magulang sa himpilan ng pulisya para sumuko.
Inamin din ng binata na siya ang gumahasa at pumatay sa 15 anyos na dalagita na natagpuang hubo’t hubad at wala nang buhay sa isang talahiban sa bahagi ng Sta. Maria noong gabi ng Lunes, Nobyembre a-8 matapos magtungo sa bahay ng kaniyang kaklase para kunin ang kanilang module.
Binawi rin ni San Vicente ang naunang pahayag nito laban sa barangay tanod na si Rufo sanggalang na siyang unang itinurong suspek na ngayo’y hawak pa ng mga pulis.
Kaugnay nito, inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang mga imbestigador sa kaso na tiyaking walang butas ang kasong kanilang isasampa laban sa mga suspek upang mapanagot sila sa batas at maihatid ang katarungan sa pamilya ng biktima. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9), sa panulat ni Hya Ludivico