Nagpadala umano ng mensahe ang kaanak ni suspended Bureau of Corrections director General Gerald Bantag upang makipag-dayalogo sa pamilya mabasa kaugnay ng akusasyon sa kanya bilang “mastermind” sa pagpaslang kay Percy Lapid o Percival Mabasa.
Ayon kay Atty. Toto Causing, tagapagsalita ng pamilya Mabasa, isang malayong kaanak ni Bantag sa Mountain Province ang nagpadala ng feelers sa posibilidad na makipag-usap sa kinatawan ng mga kaanak ni ka Percy.
Bukas naman anya sila sa lahat ng posibilidad maging ang pakikipag-dayalogo sa suspendidong BuCor chief upang mabusisi nang malalim ang katotohanan.
Gayunman, nilinaw ni Causing na kung anong mapag-uusapan ay wala pang kongkretong maipapangako ang pamilya Mabasa kay Bantag dahil nakadepende ito sa kanyang mga sasabihin.
Una nang itinanggi ni Bantag ang mga akusasyon na siya ang nasa likod ng pagpapa-ambush at pagpatay sa Brodkaster.