Hindi dumalo sa ikatlong preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) si suspended BuCor chief Gen. Gerald Bantag.
Ayon sa DOJ, tanging ang abogado lang ni Bantag na si Atty. Rocky Thomas Balisong ang humarap sa Panel of Prosecutors para sa pagdinig kaugnay sa kasong pagpatay sa batikang radio broadcaster-commentator na si Percival “Percy” Lapid Mabasa at sa Jun Villamor case.
Matatandaang hindi kinatigan ng panel ang Motion for Reconsideration na inihain ng kampo ni Bantag sa pangunguna ng kaniyang legal counsel na si Atty. Rocky Thomas Balisong laban sa murder complaints ng pamilya ni ka-Percy.
Sa pahayag ng kampo ni Bantag, dapat pagsamahin ang magkaparehas na reklamo na inihain laban sa akusado dahil mayroong Concurrent Jurisdiction ang Ombudsman at DOJ kaugnay sa murder complaints.
Iginiit ni Balisong, na sa Ombudsman lamang sila maghahain ng kontra salaysay at kasama umano sa legal na proseso ang paghahain nila ng mosyon.
Samantala, kabilang din sa mga hindi nagpakita sa pagdinig ang Dimaculangan brothers na kasabwat ng gunman na si Joel Escorial at ang kampo ni Ricardo Zulueta na nahaharap din sa 2 counts ng kasong Murder.