Isusulong sa 19th Congress ang suspensiyon ng Excise Tax sa petrolyo sa oras na sumampa na sa 80 dollars ang kada bariles ng krudo sa gitna ng nagbabadya na namang price increase sa susunod na Linggo.
Ayon kay House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, isusulong niya na otomatikong tanggalin ang Excise Tax sa oras na sumobra sa 80 dollars ang kada barrel ng Dubai crude.
Gayunman, lampas na sa 110 dollars ang preso ng kada bariles ng Dubai crude na pangunahing inaangkat ng Pilipinas.
Nilinaw naman ni Salceda na bagaman lagpas na sa 100 dollars, hindi ito dapat patawan ng Excise Tax dahil ito anya ang kanyang nakikitang countervailing o countercyclical mechanism upang hindi umasa sa DSWD, DBM at DOF.
Para naman kay IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, dapat noon pa tinanggal ang Excise Tax sa langis na nagpapahirap sa transport sector at middle class.
Sinasamantala anya ng gobyerno ang pangangailangan sa produktong petrolyo upang palobohin ang kita sa panahon ng kagipitan.
Iginiit ni Africa na kung sinsero ang pamahalaan na tumulong ay sobrang laking bagay na makontrol nila ang presyo ng petrolyo.